Responsibilidad ng mga magulang na alagaan at pag-aralin ang kanilang mga anak. Kaya naman nakakahanga ang mga magulang na nagsusumikap mapatapos lamang nila ang kanilang mga anak sa pag-aaral.
Kahit na anong hirap at sakripisyo ay kaya nilang tiisin alang-alang sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak.
Ito ang ipinamalas ng isang tatay na napagtapos ang kanyang anak dahil sa pagbabasura.
Sa Facebook post ni Junnel Gemida, ipinagmalaki niya ang kanyang ama na napagtapos siya sa pag-aaral kahit na ito ay isang basurero lamang.
“Flex ko lang tatay ko kahit basurero siya napagraduate niya ako,” post ni Junnel.
Humanga ang mga netizens sa mag-ama kaya agad na nag-viral ang post ni Junnel.
Umabot sa 69k reactions at 41k shares ang post ni Junnel.
Kinilala ang ama ni Junnel na si tatay Juanito, 51-anyos.
Dati umanong family driver si tatay Juanito, ngunit dahil sa paglabo ng kanyang mga mata ay napilitan itong tumigil sa kanyang trabaho.
Aniya, may mga panahon dati na kailangan niyang itigil ang pagmamaneho dahil hindi na niya makita ang mga sasakyan na nasa harapan niya.
Nagpresintang umalis si tatay Juanito sa kanyang trabaho bilang family driver dahil baka maaksidente pa siya.
Naging mahirap din ang paghahanap niya ng ibang trabaho dahil sa malabo niyang mata.
Isa namang janitres ang asawa ni tatay Juanito na si nanay Conrada na kanyang katulong sa pagpapa-aral ng kanilang dalawang anak.
Ayon kay tatay, wala siyang ibang hinihiling kundi makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak.
“Kaya nga lahat ginagawa ko itaguyod ko anak ko,” sabi ni tatay Juanito.
“Payo ko sa anak ko…pagbutihan niya ang pag-aaral…yan lang imamana ko sa inyo,” dagdag ni tatay.
Sa pagtatapos ni Junnel sa University of Caloocan City, nangako siya na tutulungan niya ang kanyang mga magulang at gagawin ang lahat upang makahanap agad ng trabaho.
“Iniisip ko lang i-motivate ko lang yung sarili ko na…magsisikap talaga ako para sa tatay ko. Gagawin ko talaga lahat para maka-graduate,” sabi ni Junnel.
“Sinabi ko sa sarili ko pag nakapagtapos talaga ako maghahanap talaga ako ng trabaho para matulungan sila,” dagdag niya.
Panoorin ang video sa ibaba: